Ang paksang tungkol sa Tagalog ay karaniwang isinusulat ko sa Buwan Ng Wika, ang buwan ng Agosto, subalit may nakita akong maling gamit ng rito sa isang magandang palabas sa telebisyon ngayon na malakas sa mga nanonood at umaani ng papuri. Hindi sana mapapansin kung sinabi o binigkas lang, ngunit ito ay nakasulat sa ibaba.
Itinuturo ang gamit ng dito at rito, raw at daw, doon at roon sa paaralan ngunit sa pang araw-araw na pananalita at pakikipag-usap ay madalas na nakakaligtaan. Mataas ang pamantayan at inaasahan ko sa mga pagbabalita at iba pang palabas sa telebisyon sapagkat malaki ang impluwensiya nila sa mga manonood o mambabasa kaya napapansin ko ang mga paggamit nila ng wika.
Balikan natin ang mga gabay na dapat tandaan:
1. Gamitin ang rito, rin, roon, raw, at rine kung ang salitang sinusundan nito ay nagtatapos sa patinig – a, e, i, o, u – o malapatinig w and y.
Halimbawa:
Bawal magbaba rito.
Sanay rin talaga siyang gumalang sa matatanda.
Hindi raw maaaring bumaba sa panulukan.
2. Gamitin ang dito, din, doon, daw at dine kung ang sinusundang salita ay nagtatapos sa katinig.
Halimbawa:
Alin dito ang tama?
Sipag daw ang kailangan upang magtagumpay.
3. Gamitin ang dito at doon kung simula ng pangungusap
Halimbawa:
Dito ba ang tawiran?
Doon ba nakatira ang guro?
4. Ang naiiba sa mga palatandaan (exception) – kung ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa ra, re, ri, ro, ru at raw – gamitin ang dito, doon,daw at din
Halimbawa:
Paru-paro daw ang nakita nya.
Araw-araw din syang pinagsasabihan ng kanyang ina.