Ang Agosto 13-19 ay dating Linggo Ng Wika. Ito ay sa kadahilanang ipinanganak si Manuel L. Quezon, na tinaguriang Ama Ng Wikang Pilipino, noong Agosto 19, 1878. Siya ang nagdeklara noong 1937 na magkaroon ng pambansang wika at ito ay ang Tagalog. Ang pambansang wika ay tinaguriang Pilipino noong 1959 upang maihiwalay ito sa Tagalog. Sa 1987 na Saligang Batas ang Pilipino ay tinawag na Filipino.
Ngayong Buwan ng Wika , pansinin natin ang Tagalog na ginagamit sa pagbabalita sa telebisyon at pahayagan sa Kalakhang Maynila.
Dati-rati ang mga balita sa telebisyon lalo na sa pang-gabi ay gumagamit ng wikang Ingles tulad ng GMA Evening News (GMA) The World Tonight (ABS-CBN), News Watch (RPN9) , at BBC Primetime News (IBC13) . Kinalaunan naging Tagalog na ang ginagamit sa pagbabalita na pinuri ng Surian ng Wikang Pambansa /Komisyon ng Wikang Filipino. https://philippineculturaleducation.com.ph/komisyon-sa-wikang-filipino/. Ngayon ay sumasahimpapawid ang mga Tagalog na pagbabalita tulad ng Saksi , Balita, Aksiyon at TV Patrol na bagama’t Ingles ang pangalan ay Tagalog ang pagbabalita.
Maraming pahayagan sa Tagalog ayon sa Wikipedia , ngunit ang batayan ko ay ang mga lumalabas din online:
Newspaper | Language | Type | Circulation |
---|---|---|---|
Abante | Tagalog | Tabloid | National |
Abante Tonite | Tagalog | Tabloid | National |
Agila ng Bayan | Tagalog | Tabloid | National |
Bagong Sagad Ngayon | Tagalog | Tabloid | National |
Bagong Toro | Tagalog | Tabloid | National |
Balita | Tagalog | Tabloid | National |
Bandera | Tagalog | Tabloid | National |
Bistado | Tagalog | Weekly Tabloid | National |
Bulgar | Tagalog | Tabloid | National |
Diaryo Bomba | Tagalog | Tabloid | National |
Hataw | Tagalog | Tabloid | National |
Kadyot | Tagalog | Tabloid | National |
People’s Balita | Tagalog | Tabloid | National |
People’s Journal | English | Tabloid | National |
People’s Tonight | English | Tabloid | National |
Pilipino Mirror | Tagalog | Tabloid | National |
Pilipino Star Ngayon | Tagalog | Tabloid | National |
Pinas | Tagalog | Tabloid | National |
Police Files Tonite | Tagalog | Tabloid | National |
PM | Tagalog | Tabloid | National |
Remate | Tagalog | Tabloid | National |
Saksi Ngayon | Tagalog | Tabloid | National |
Tempo | English | Tabloid | National |
X-Files | Tagalog | Tabloid | National |
Napapansin ko na habang tumatagal ay dumarami ang “ Tagalized “ ang ginagamit o banyagang salita na binigkas o binaybay sa Tagalog kahit na may katumbas sa ating wika at ilan dito ay ang mga ng mga sumusunod :
Madalas Magamit sa Pagbabalita Katumbas na Tagalog
Anyos Taon/gulang
Aksidente Sakuna
Komite Lupon
Desisyon Pasiya
Eksperto Dalubhasa
Empleyado Kawani
Gobyerno Pamahalaan
Importante Mahalaga
Importasyon Pag-angkat
Lider Pinuno
Litrato Larawan
Mentena Panatilihin
Nakolekta Nalikom
Naging emosyonal Napapaiyak
Peke Huwad
Probinsiya Lalawigan
Siyentista Paham
Siyudad Lungsod
Sosolusyonan Lulutasin
Suhestion Mungkahi
Tsansa Pagkakataon
Unibersidad Pamantasan
Maaaring ang dahilan ay may takdang oras ang pagsasahimpapawid o paglilimbag at ang mga tagasulat ng balita ay nagigipit sa panahon sa pagsasaliksik o pamimili ng akmang salita. Ito ay nagpapakita na nasa ibabaw ng ating kamalayan ang salitang banyaga kaysa wika natin kaya ito ang unang sumasagi sa isip habang nagsusulat.
Marahil ito ay maituturing na isang paglago ng wika, ang pagdagdag ng mga salita sa pamagitan ng pagbigkas at pagbaybay ng isang banyagang wika sa paraan ng katutubong wika. At maging ang wikang Ingles ay marami ring hango sa ibang wika tulad ng Latin. Marami ring salitang Kastila na bahagi na ng pagkaraniwang ginagamit natin sa ngayon katulad ng bintana, lamesa, at marami pang iba at mistulang nakalimutan na ang durungawan at hapag na katumbas nito.
Sa ganang akin, katanggap-tangap ito kung walang katumbas sa ating wika tulad ng technology na isinasalin sa Teknolohiya, culture na maipapaliwanag sa ilang salita ngunit walang katumbas kaya ang tawag natin ay kultura , pandemic na maaring sabihing pangmalawakang sakit ngunit mas maiksi at maari na rin ang pandemya. Ang ibang salita ay tawag sa mga bagay na wala rito sa bansa natin kaya marapat lamang na gamitin ang salitang banyaga tulad ng snow na tinatawag nating nyebe hango sa salitang Kastila. Ang iba naman ay mga bagong sipot o imbensiyon na hindi mula sa atin tulad ng internet , Facebook at iba pa. Sa pang araw-araw na pakikipag-usap at mga huntahan ay maaring hindi rin mahigpit sa pamimili ng wastong salita. Ngunit sa pagbabalita at iba pang pormal na talakayan o sulat, kung may katumbas na wika natin, dapat gamitin ito upang mapanatili at mapagyaman sapagkat ang wika ay sumasalamin sa kaluluwa ng bansa.
English and updated version
Pingback: A Reserved Person’s Blogging Journey in 2020 | Just Sharing
Pingback: Tagalog Used in Television and Newspapers | Just Sharing
Pingback: Buwan Ng Wika 2022 | Just Sharing