Ang Agosto ay Buwan ng Wika at ang tema ngayong 2020 ay nasa poster na ito:

• Ang bangka na sumasagisag sa sambayanang Filipino at ang mga lulan nitó ay kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
• Ang pagsagwan na sumasagisag sa BAYANIHAN sapagkat hindi itó gawaing mag-isa kundi sáma-sáma.
• Ang mga alon ay pagsubok (pandemya) na iláng ulit kinaharap ng bansa sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan nitó bágo ang COVID-19 gaya ng (kolera (panahon ni Rizal), tuberculosis (pre at post WWII), Spanish flu, SARS (2003), Meningococcimia (2005), Ebola (2009), AH1N1 (2009), MERS (2015), at nitó lámang nakaraang taón ay muling nagbalik ang tákot sa tigdas at polyo na matagal nang nawala.
• Ang sagwán ay simbolo ng mga katutubong wika na siyang pangunahing kasangkapan sa pagtutulungan ng mga nakasakay sa bangka upang makarating sa paroroonan nang mabilis, matiwasay, at ligtas.
Mula sa Philippine Information Agency
Kasama sa tema ang Katutubong Wika kaya ibinabahagi ko ang aklat na aking sinulat – ang Naiibang Tagalog Ng Calauag, Quezon.

Ito ang nilalaman:
Contents I. Acknowledgement II. Introduction a. Objectives b. Scope III. About Calauag IV. About Tagalog V. Word Lists a. Calauag Tagalog Words Different From Regular Tagalog b. Different Syllabication of Some Words c. Slight Variations VI. Verb Formation VII. Adjective Formation VII. Idiomatic Expressions |
Ang aklat ay nasusulat sa Ingles sa kadahilanang gusto ko itong maunawaan kahit ng mga banyaga at ng mga susunod na salinlahi na maaring lumaki na sa ibang bansa o kung nanatili man sa Pilipinas ay maaring iba na ang makasanayang Tagalog. Isinalin ko sa Tagalog ang Panimula (Introduction):
Layunin
Maliit pa ako ay alam ko na na ang Tagalog na salita namin sa Calauag ay naiiba sa Tagalog ng Maynila. Ang mga kamag-anak naming taga Maynila ay iba kung magsalita at ang aking mga kuya at ate na nag-aaral ng kolehiyo sa Maynila ay nagsasabing kakaiba ang Tagalog namin.
Ako man, nakaranas din ng pagkakaiba nang mag-aral na ako sa Maynila pagkatapos ng mataas na paaralan. Tinanong ko dati ang isang kasamahan ko sa Ilang-ilang Residence Hall ng “ Saan ka patungo?”at natuwa siya sa paggamit ko ng itinuturing nyang malalim na Tagalog. Tapos minsan tinanong ko ang isang taga kapiterya, “Ano ang lahok” , ibig sabihin, ano ang “ingredients” .Ang sabi ng kaibigan ko, “Akala ko may timpalak”. Dito na nagsimula ang interes ko sa pag-iipon nga mga salitang Tagalog ng Calauag.
Nagtatrabaho na ako nang ang isang malakas na bagyo ay nanalasa sa Calauag at ito ay napasama sa balita sa telebisyon. Kasama rito ang sinabi ng isang taga-Calauag sa isang panayam na “ Napakalakas ng agos kaya ako ay yumapos sa puno ng niyog. Mariparo ko ay hindi na nabutwa ang katabi ko”. Ang kaopisina ko na nakapanood ay nagsabi sa akin “Akala ko Tagalog kayo sa Quezon?”
Sa bahay, paminsan-minsan ay naaaliw din ako sa mga ginagamit na Tagalog ng Nanay ko na hindi ko na rin ginagamit. Tulad ng iniutos nya “ Talitian mo nga ako” o kapag nakikipag-kwentuhan siya sa Tiya ko at sinasabing “Ikako’y yano…”
Ngunit ang aking interes ay tumibay at naging kapasiyahan nang minsang makita ko sa isang talakayan sa isang “online forum” ang isang pahayag na wala tayong sariling wikang masasabi. Sumaisip ko ang mga natatangi at mayamang salita na ginamit at ginagamit pa natin. At kapansin-pansin na sa kabila ng maraming taong pagiging kolonya ng España, nabubuhay ang mga salita sa Pilipinas.
Kaya ang mga layunin sa pagsulat ng aklat ay:
- Unang-una, upang mapanatili o mapangalagaan ang wika na unti-unting napapalitan ng Tagalog Maynila dahil sa Telebisyon
- Upang magsilbing batayan ng mga mag-aaral ng wika
- Upang ipakita ang yaman o lawak ng ating wika
Saklaw
Ang mga salitang Tagalog na kasama sa Listahan ay mga salitang naiiba sa karaniwang Tagalog na ginagamit sa Kamaynilaan at Bulacan. Kaya ito ay hindi isang Talasalitaan ng lahat ng Tagalog na salita. Halimbawa, ang bata na parehong ginagamit sa Calauag at ng karaniwang Tagalog ay hindi kasama.
Ganito rin ang listahan ng “idiomatic expressions” , kasama rito ang mga ginagamit sa Calauag.
Ang Listahan ay naglalaman ng Tagalog na ginamit sa Calauag sa panahon ng aking ina ( 2013-2006) hanggang sa unang limbag ng aklat na maaring hindi na rin karaniwang nagagamit ng kasalukuyang salinlahi katulad ng papandut, tatsing bombit, salapi at iba pa.
Panghuli, ang pagkolekta ng maga salita ay ginawa sa loob ng hindi bababa ng limang taon ngunit malamang na mayroon pa ring hindi nakasama .
Ang aklat ay naging paksa sa Panorama Magazine ng Manila Bulletin noong Agosto 10, 2014 sa panulat ni Nestor Cuartero.
Ang aklat ay matatagpuan sa:
- National Library
- University of the Philippines Main Library
- Calauag Central College Library
Maaari rin itong mabili , sumulat sa jocelynltolentino@gmail.com ang mga nagnanais.
Pingback: A Reserved Person’s Blogging Journey in 2020 | Just Sharing
Pingback: The Philippines’ National Language Month 2021 | Just Sharing
Pingback: Buwan Ng Wika 2022 | Just Sharing